Ang guyabano o soursop sa Ingles (scientific name Anoya muricata), ay isang maliit na puno na kilala sa bunga nito at pagiging halamang gamot. Ang punong ito ay nagmula sa tropical Amerika at dinala sa Pilipinas ng mga Espanyol. Kilala ito sa tawag na guayabano o guabanosa Tagalog, atti sa Ibanag, babana sa Bisaya at bayubana o guyabana sa Ilokano, at llabanos sa Bikol.
Ang bunga nito ay may habang 15 hanggang 20 sentimetro at may bigat na kalahati hanggang 2 ½ kilo. Ito ay makintab, dark green at binabalot ng mga malambot at berdeng tinik. Ito ay may manipis na balat at puting laman at itim na buto na nakabaon sa laman. Mataas ito sa carbohydrates at nagtataglay ng Vitamin C, Vitamin B1, Vitamin B2, Potassium at dietary fiber. Ang guyabano ay mababa sa cholesterol, saturated fat at sodium.
Masarap na kainin ang prutas nito. Ang prutas ay maaari ring gawing sangkap sa paggawa ng ice cream, kendi, shake, juice at iba pang inumin. Makagagawa din ng minatamis mula sa manibalang ngunit hindi hinog na bunga
ANO ANG MGA SUSTANSYA AT KEMIKAL NA MAAARING MAKUHA SA GUYABANO?
Ang iba’t ibang bahagi ng halamang guyabano ay maaaring makuhanan ng maraming uri ng kemikal at sustansya na maaaring may benepisyo sa kalusugan:
-Ang mga pangunahing substansya na taglay ng guyabano ay tannins, steroids and cardiac glycosides
-Ang dahon ay makukuhanan ng langis; myricyl alcohol, sitosterol, at fatty acids gaya ng oleic, linoleic, at stearic acids. Mayroon din itong lignoceric acid at anolol
-Ang bunga ay may saccharose, dextrose, at levulose
-Ang balat ng kahoy ay mayroong acetogenin, solamin at triterpenoids, stigmasterol at sitosterol
ang buto ay may taglay na lactones, annomonicina, annomontacina, annonacina, annomuricatina, annonacinona, javoricina
-Ang katas at laman ng bunga ay mayroon pang carbohydrate, fiber, retinol, ascorbic acid, flavonoids, at tannin
ANONG BAHAGI NG HALAMAN ANG GINAGAMIT BILANG GAMOT, AT PAANO GINAGAMIT ANG MGA ITO?
Maaaring gamitin bilang gamot ang ilang bahagi ng halaman tulad ng:
1. Dahon. Ang dahon ay kadalasang pinapakuluan at pinapainom sa maysakit. Maaari din itong dikdikin at ipantapal sa ilang kondisyon sa katawan.
2. Bulaklak. Maaaring ilaga ang bulaklak at ipainom sa taong may sakit.
3. Bunga. Ang hilaw na bunga ay karaniwang kinakatasan upang gamitin bilang gamot. Ang sabaw naman ng hinog na bunga ay mabisa rin sa ilang mga kondisyon. Maaari ding gamitin ang laman ng guyabano bilang pantapal sa ilang mga kondisyon sa katawan.
Ang guyabano ay ginagamit ding lunas sa iba’t ibang karamdaman. Sinasabing mayroon itong katangiang pampakalma, pampapawis at pampasuka. Ang katas mula sa pinakuluang dahon ay ginagamit na pangontra sa surot at lisa.
Upang bumaba ang lagnat, ang pinakuluang dahon ay maaring inumin o ipampaligo. Ang dinurog na dahon ay maari ring itapal sa paltos na balat upang bumilis ang paggaling. Ang murang dahon ng guyabano ay maaring ipunas sa balat upang guminhawa sa rheumatism at iba pang inpeksyon sa balat tulad ng eczema. Kapag inilagay habang gumagaling ang sugat, maari ring mawala o mabawasan ang peklat na dulot ng sugat. Ang pinakuluang dahon ay maari ring gamitin bilang wet compress sa namamagang paa at iba pang uri ng pamamaga.
Ang katas ng prutas ay iniinom bilang lunas sa mga sakit sa pag-ihi tulad ng urethritis at hematuria at maging sa problema sa atay. Ang pinulbos o dinurog na buto ng guyabano na inihalo sa sabon at tubig ay mabisang pang- spray sa mga higad, armyworm at leafhopper sa mga halaman.
Bilang gamot, ang prutas ay maaring gawing gamot sa ubo, scurry at lagnat. Ang buto at berdeng prutas ay maaring gamiting pampasuka at gawing lunas sa disenterya o gamiting pampampat ng pagdurugo. Ang ugat at dahon ay maaring gamot sa colic at sa kombulsyon. Ang pinaghalong katas ng dahon o ugat ay maaring gawing pampapawis at maaari ring ipahid sa iritayson ng balat at sa rheumatism.
ANO ANG MGA SAKIT NA MAAARING MAGAMOT NG GUYABANO?
1. Pagtatae. Ang hilaw na bunga ng guyabano ay maaaring gamitin para sa kondisyon ng pagtatae. Maaari din gamitin ang katas ng hinog na bunga ng guyabano.
2. Lisa at kuto. Ang paghuhugas sa ulo na apektado ng lisa at kuto gamit ang pinaglagaaan ng dahon ng guyabano. Mabisa rin ang paggamit sa pinulbos na buto ng guyabano.
3. Pamamanas ng paa. Maaaring ipantapal o ipang hugas ang pinaglagaan ng dahon upang mapahupa ang pamamaga ng paa.
4. Eczema. Ang implamasyon sa balat ay maaari ding mapahupa sa tulong ng pagtatapal ng dinikdik na dahon ng guyabano.
5. Rayuma. Mabisa para sa pananakit ng mga kasukasuan ang pagpapahid ng langis mula sa dahon ng guyabano at hilaw na bunga nito.
6. Diabetes. Makatutulong para sa sakit na diabetes ang pinaglagaan ng ugat, balat ng kahoy at dahon ng guyabano.
7. Kanser. May ilang pag-aaral na isinagawa na nagpapatunay na mabisa ang katas ng bunga ng guyabano, pati na ang pinaglagaan sa pagpigil ng pagkalat ng cancer cells sa katawan.
8. Sipon. Ang matinding pagtulo ng sipon ay maari namang malunasan ng pag-inom sa pinaglagaan ng dahon ng guyabano. Maari din gamitin ang bulaklak para sa kaparehong epekto.
Disclaimer: Ang mga halamang gamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang mga karamdaman. Subalit marami dito ay wala pang sapat na pag-aaral at wala pang kasiguraduhan. Hindi makapagbibigay ng katiyakan na ang mga ito ay epektibo sapagkat ang epekto ng mga halamang gamot ay maaaring gumana sa ilan, ngunit sa iba ay maaaring hindi naman gumana. Gaya ng ibang gamot, mahalagang isangguni ang pag-inom ng mga halamang gamot sa inyong doktor.
Source: kalusugan.ph
0 comments